Monday, July 9, 2018

Kahirapan: Problema sa Lipunan


Mahirap maging mahirap. Ang pagnanais ng tao na makaahon sa kahirapan ay makakamtan lamang sa pamamagitan ng sipag at tiyaga, at hindi sa pagiging palaasa sa kapwa o di kaya sa gobyerno. Maaaring nandyan sila para tumulong, subalit nasa sa atin pa rin kung paano natin makakamtan ang kaginhawaan sa buhay.

Isa sa pinakamatinding kinahaharap na problema ng ating bansa ay ang kahirapan. Marami ang pamilyar at nakararanas nito, ngunit ano nga ba talaga ito? Ano ang mga sanhi at epekto ng kahirapan? May solusyon pa ba para malutasan ang problemang ito?

Ayon kay Ace (n.d.) ang kahirapan ay pangkalahatang kasalatan o kakulangan, o ang estado ng isang tao na walang tiyak na halaga ng materyal na mga ari-arian o pera. Ang kahirapan ay dinamiko. Ito ay may pagbabago at minsan ay nakikibagay ayon sa paraan ng pagaggamit.

Ayon sa World Bank (n.d.), ang kahirapan ay kondisyon ng tao kung saan mayroon siyang kakulangan sa mga pangunahing pangangailangan tulad ng pagkain at tubig.

Marami ang nagiging sanhi ng kahirapan sa ating bansa. Ayon sa artikulo ni Duran (2015), may kahirapang nagaganap sa likod ng korapsyon. Taon-taon ay mas lumalala ang problema ng ating bansa na hindi masolusyunan dala ng kahirapan. Ibinubulsa ng mga opisyales ang pera o pondo ng bayan para sa mga pansariling interes. Dahil sa maling gawain, mga simpleng mamamayan ang naaapektuhan.

Ayon pa din kay Duran (2015), ang katamaran ay kasama sa dahilan ng paghihirap ng mga mamamayan. Ang mga oportunidad ay nababalewala sapagkat wala silang tiyaga na maghanap ng mga posibleng paraan kung paano nila maiaangat ang buhay mula sa kahirapan.

Batay sa isinulat ni Leynes (2015) isa sa pinakamalaking problema ng mga tao na nakararanas ng kahirapan ay ang kakulangan sa edukasyon.  Dahil sa kahirapan, hindi sila nakatatanggap nang sapat na kaalaman upang matulungan ang kanilang pamilya at maging matagumpay sa buhay. Ang kawalan ng edukasyon ay nakapagdudulot ng kamangmangan sa mga kabataan. Mas lumalaki ang porsyento ng mga walang pinag-aralan dito sa Pilipinas kaya humihirap ang ating bansa.

Samantalang nagdudulot din ng kahirapan ang kawalan ng trabaho. Ukol sa ating ekonomiya, hindi na sapat ang bilang ng trabaho sa dami ng mga nagtatapos. Dahil dito wala silang pagkakakitaan upang masuportahan ang kanilang mga pamilya sa pang araw-araw na pangangailangan.

Sa kabilang dako, madami ang nagiging epekto ng kahirapan sa ating bansa. Una na dito ay ang maagang pagbubuntis. Maraming kababaihan ang maagang nabubuntis sapagkat wala silang sapat na kaalaman at impormasyon ukol sa pagbubuo ng pamilya at ang mga responsibilidad ng kanilang aksyon. Ito rin ang nagiging epekto kaya mas lalong tumataas ang bilang ng populasyon at nagdudulot ng kahirapan. Ayon sa 2014 datos ng Philippine Statistical Authority (PSA), kada oras, 24 na sanggol ang isinisilang ng mga kababaihan na maagang nabuntis.

Bunga ng kahirapan, maraming kabataan ang namamalimos sa isang tabi upang sila ay may makain. Dahil hindi sapat ang pagkain na kinakain nagdudulot ito ng iba’t ibang sakit. Ang malnutrisyon ang pangunahin at kadalasang sakit ng mga taong nakararanas nito. Marami silang pangangailangan na hindi matugunan katulad ng kawalan ng tirahan, kasuotan, inumin at kawalan ng masusustansiyang mga pagkain. Isa pa sa epekto ng kahirapan ay maraming kabataan ang nagtatrabaho at hindi makapag-aral.

Bilang solusyon sa problemang kinahaharap ng ating bansa, pagtuunan natin nang pansin ang edukasyon ng bawat isa. Dagdagan ang mga libreng edukasyon para sa mga taong walang sapat na salapi para makapag aral. Edukasyon ang pinakamahalagang instrumento na makatutulong upang makaahon tayo kahirapan at mapaunlad ang ating bansa.

Susi ang edukasyon sa bawat pinto ng oportunidad. Kung tayo ay mayroon nito, magagawa nating buksan ang ating puso at isipan na pagsikapan ang tagumpay na gustong makamtan. Ito ay tulay upang malagpasan natin ang lahat ng bagay na humahadlang sa atin na maabot ang ating kapalaran. Isa itong hagdan upang maakyat natin ang mga bundok na humaharang sa ating pagkatagumpay. At ito ay isang sandata laban sa lahat ng kahirapan na mararanasan sa pagkamit ng pangarap. (Hinango mula sa: wordpress.com)

Upang makamtan natin ang kaginhawaan sa ating bansa, nararapat lang na simulan ito ng mga opisyales. Sana ay maging tapat sila sa kanilang tungkulin at ibigay sa mamamayan ang nararapat na serbisyo na kanilang ipinangako. Maging huwaran at modelo sila sa nasasakupan at maging responsible sa lahat ng pagkakataon. Bilang mga mamamayan, isipin muna natin ng ilang beses ang ating kilos bago ito gawin at tiyakin na may sapat na kaalaman ang bawat isa. Magkaroon ng pagpaplano sa pagbuo ng pamilya para makontrol ang bilang ng populasyon at hindi maging dahilan ng kahirapan. Tanggapin ang oportunidad na makapagtrabaho para matugunan ang pangangailangan ng pamilya.

Sana tandaan ng bawat isa na walang maghihirap kung tayo ay magsisikap. Kaya nating maiwasan ang kahirapan sa tulong ng ating Panginoon at sa ating pagsisikap na makamtan ang magandang buhay. Sa bandang huli, nasa sa atin pa din ang desisyon kung anong kapalaran ang ating pupuntahan.

Jhasmin E. Bisa
G12 - STEM A
BTHS
Filipino sa Piling Larang

No comments:

Post a Comment